CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na isasailalim sa matinding assessment at validation ang mga eskwelahang lalahok sa pilot implementation ng limited face to face classes.
Sa kaniyang video message sa mga kaguruan ng Camarines Norte sinabi ni DepEd Bicol Regional Director Gilbert Sadsad na gagawin lang ang limited face to face classes sa mga eskwelahang papasa sa assessment, validation, re- assessment at re-validation.
Ayon kay Sadsad mahirap ang gagawing re-assessment at re-validation na sisimulan sa School level.
Kung ang eskwelahan ay nasa isang barangay na mayroong kumpirmadong kaso ng COVID- 19 sa nakalipas na 28 araw ay hindi na umano ito makakausad sa school safety assessment tool at hindi maaaring lumahok sa pilot implementation ng face to face learning modality.
Kung wala namang naitalang kaso sa nakalipas na 28 araw ay magpapatuloy ang proseso at magkakaroon ng cross checking sa datos ng Department of Health (DOH).
Kaya sabi ni Sadsad hindi kailangang mag panic sa bagay na ito ang mga guro.
Sa Nobyembre 15 sisimulan ang pilot implementation ng limited face to face classes kasabay ng pagtukoy sa halos 60 eskwelahan na makakabilang dito.
Dati nang sinabi ng DOH na sa selection process sa mga eskwelahan ay dapat mas matimbang ang benepisyo ng limited face-to-face classes kaysa sa panganib at may mga nakalatag nang protocol na makokontrol sa hawaan ng COVID-19.
