Tiniyak ng Department of Education na mahigpit ngayon ang monitoring nila sa mga paaralan matapos ang mga napaulat na mayroon nang mga nagkakahawaan ng COVID-19 mula nang magbukas ang face-to-face classes.
Matatandaan kasing iniulat kamakalawa ng 95.7 Brigada NewsFM Koronadal ang pagsususpinde ng klase sa Tampakan National High School sa South Cotabato matapos magpositibo ang ilang mga learners at guro rito.
Sa isang panayam, sinabi ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na tuloy ang kanilang koordinasyon sa mga regional offices para matutukan ang sitwasyon ng mga nagpositibong indibidwal.
Sa kabila nito, makasisiguro umano ang publiko na wala pa ring ‘major surge’ sa mga learners.
Sa ulat ng Brigada NewsFM Koronadal, kinumpirma ni Tampakan Mayor Leonard Escobillo ang pag-positibo ng siyam na estudyante’t guro sa nasabing paaralan.
Kaagad na isinailalim sa testing at quarantine ang nasa 200 mga learners, teaching at non-teaching personnel ng paaralan na mga close-contacts ng mga infected individuals.
#
