CAMARINES NORTE- Nagpaalala muli ang Department of Education (DepEd) sa mga school head, guro at mga magulang na iwasan ang magarbong Christmas party.
Ayon kay Schools Division Superintendent Nympha Guemo malinaw sa ipinalabas na DepEd issuance ilang linggo na ang nakalilipas na nagpapaalalang gawing simple lang pero makabuluhan ang Christmas party mapa- estudyante man o mga personnel.
Aniya mas makabubuting kaniya- kaniyang dala na lang o KKB ng pagkain at magbahaginan upang maiwasan ang kontribusyon.
Gayunman nilinaw ni Guemo na hindi naman ipinagbabawal ang kontribusyon basta ito ay mapagkasunduan ng mga magulang at guro.
Hindi rin umano sapilitan ang pagdalo sa Christmas party dahil malinaw sa DepEd issuance na dapat maging voluntary lang ito.
Sa December 16 ang huling araw ng klase at magsisimula ang Christmas Break ng mga estudyante sa December 17.
Sa Enero na babalik sa eskwelahan ang mga bata para sa pagpapatuloy ng Quarter 2 ng School Year 2022- 2023.
At dahil naka break ang mga estudyante, nangangahulugan din umano ito na hindi rin papasok ang mga guro sa eskwelahan.
