CAMARINES NORTE- Ipapatawag ng mga kongresista sa Bicol Region ang tatlong ahensiya ng gobyerno para pag usapan at mahanapan ng solusyun ang mga problemang kinakaharap ng iba’t-ibang legislative district sa rehiyon.
Kabilang sa mga iimbitahan ng Bicol Congressmen ay ang Department of Education, Department of Agriculture at Department of Public Works and Highways.
Kasunod yan ng isinagawang inisyal na Executive meeting noong Lunes, Agosto 22 ng mga mambabatas sa rehiyon sa pangunguna ni Camarines Norte First District Rep. Josefina Tallado na siyang Chairperson ng Committee on Bicol Recovery and Economic Development.
Sa naturang pagpupulong ay iminungkahi ni Rep. Tallado na agarang imbitahan ang nabanggit na tatlong ahensiya.
Nakatakda sana itong gawin ngayong araw ng Miyerkules, Agosto 24 pero nakansela dahil sa bagyong Florita.
Napagkasunduan din ng mga mambabatas na magkaroon ng regular na pagpupulong para matiyak na namomonitor ang kalagayan ng rehiyon lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Nangako rin ang mambabatas mula sa unang Distrito ng Camarines Norte na magiging aktibo ang Bicol bloc ngayong 19th Congress.
Nasa 13 kongresista ng Bicol ang dumalo sa inisyal na pagpupulong noong Lunes.
Photo: Rep. Josie Baning Tallado fb
