NAGA CITY – Bagamat wala pang naitalang kaso ng dengue sa bayan ng Camaligan, Camarines Sur ngayong pagpasok ng taong 2024, at kahit hindi pa gaanong nararanasan ang mga posibleng epekto ng El Niño, pinamomonitor na ng Municipal Health Office ng bayan, ang pagkakaroon ng dengue case, kasama na ang iba pang sakit.
Sa panayam kay Dr. Nonoy Severo, MHO Head, sinabing malaki ang tiyansang dumami ang kaso ng dengue ngayong may El Niño, dahil sa mainit na panahon mas nag-rereproduce ang mga lamok at mabilis na dumadami ang populasyon nila, lalo na sa mga kanal na hindi gaano nakaka-agos ang tubig o sa mga area na may mga stagnant na tubig, isama pa ang mga maiipong tubig dahil sa mararanasang pagkukulang nito.
Kung kaya’t ngayon palang ay isa na ito sa binabantayan ng opisina, at tiniyak rin na sapat ang mga gamot at pangangailangan bilang agarang pagtugon.
Nitong taong 2023, wala pa sa sampu ang naitalang kaso ng dengue sa bayan kung saan ang iba suspected lamang at dalawa ang admitted.