Ibinunyag ni dating Senadora Leila De Lima na gumamit ng intelligence funds ang lokal na pamahalaan ng Davao City noong panahong alkalde pa lamang si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang bigyan ng gantimpala ang death squads sa bawat napapatay na target.
Sa ikasiyam na pagdinig ng Quad Committee sa Kamara, ibinahagi ni De Lima ang naging imbestigasyon ng Commission on Human Rights sa “DDS” sa ilalim ng kanyang panunungkulan noong 2009.
Mula 1988 hanggang 2000 ay 15,000 pesos aniya ang pabuya kada sa kada biktima kung saan limang libong piso ang ibibigay sa police handler habang sampung libo sa assassin na pawang mga rebel returnees.
Noong 2001 hanggang 2016 naman ay hanggang labinlimang libong piso ang paghahatian ng handler, assassins at informant o yaong tinatawag na “abanteros” at ang DDS ay na-upgrade bilang Heinous Crimes Investigation Section.
Idinagdag ni De Lima na mayroon umanong special projects killings reward na nagkakahalaga ng hanggang isang milyong piso.
Ang tawag aniya kay Duterte noon ay “Superman” dahil siya ang pinakamataas na pinuno ng DDS.
Samantala, naniniwala ang dating senador na maaaring silipin ng Quad Comm ang findings ng CHR investigation lalo’t nagtutugma ito sa isiniwalat ni dating PCSO General Manager Royina Garma ukol sa reward system sa war on drugs.