SORSOGON CITY – Nagulantang ang mga residente ng Calle Berdugo, Purok 4, Brgy Guinlajon sa lungsod ng Sorsogon matapos na makarinig ng sunod-sunod na mga putok ng baril habang nasa kasagsagan ang mga ito sa preparasyon ng prosesyon noong Biyernes Santo.
Kinilala ang biktima ng pamamaril na si Elvin Janapin Alzaga, 35-anyos, naninirahan sa Imperial Ridgeview Subd., Brgy Pangpang ng nasabing lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Pulisya, kararating lang umano ng biktima sa lugar upang makipag-inuman nang biglang sumulpot ang dati nang naghihintay na dalawang armadong lalaki saka pinagbabaril ang biktima.
Ayon sa Army source ng Brigada News, si Alzaga ay dating squad leader ng Larangan 1, Komite Probinsyal 3 na nag-ooperate sa bayan ng Irosin, Bulusan, Matnog at Magallanes subalit noong nakaraang taon ay isa ito sa sumurender sa pamahalaan at sumapi sa Cafgu Active Auxilliary (CAA) sa ilalim ng Delta Company ng 31st Infantry Battalion.

Dalubhasa umano si Alzaga sa ‘white areas’ bilang dating tagapagsalita ng Kadamay Sorsogon, kung kaya’t kinuha ito ng 93rd CMO Company ng 9th CMO Battalion.
Noong Marso 6 nitong taon ay naimbuwelto ang pangalan ng biktima na isa sa apat na lalaki na umano’y dumukot sa mag-asawa kung saan ang mister ay miyembro ng SAMASOR habang ang misis nito ay siyang Provincial Spokesperson ng Anakpawis at pangulo ng Kababaihang Magsasaka sa Sorsogon o Amihan-Sorsogon.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sorsogon City Police upang matukoy ang mga salarin.