Dating Speaker Pantaleon Alvarez, tinawag na ipokrito ng isang House leader

Binuweltahan ni House Deputy Speaker at Quezon Representative David “Jay-Jay” Suarez si dating Speaker Pantaleon Alvarez matapos itong magpahayag ng mga alegasyon na wala umanong basehan hinggil sa Charter Change laban sa liderato ng Kamara.

Sa isang panayam ay kinuwestyon kasi ni Alvarez ang People’s Initiative para amiyendahan ang 1987 Constitution na pakana o utos umano ni House Speaker Martin Romualdez.

Bukod dito ay iginiit ni Alvarez na hindi nito maintindihan ang pangangailangan na amiyendahan ang Konstitusyon kasabay ng paglalatag ng economic justifications.

Read More:  Sen. Gatchalian says he is ready if chosen as SP

Pero binara ni Suarez ang tila biglaang pagbaligtad ni Alvarez pati na ang aniya’y mga kasinungalingan na tinatangkang sirain ang pagiging lehitimo ng proseso ng constitutional economic reforms.

Tanda umano ng pagiging desperado at pagbali sa katotohanan ang mga akusasyon ni Alvarez laban kay Romualdez na walang konkretong ebidensya, iresponsable at ang layunin ay siraan ang legislative proceedings.

Dagdag pa ni Suarez, nagiging ipokrito ang dating Speaker na minsan nang ipinanukala ang pagbabago sa Saligang Batas sa kasagsagan ng administrasyong Duterte at sa katunayan ay bumoto pa noong nakaraang Marso pabor sa Constitutional Convention.

Read More:  “Tapos ang boxing”? Sen. Tulfo confirms fresh talks to replace Senate President Cayetano

Nakalulungkot lamang ani Suarez na kwestyonable na ang kredibilidad ni Alvarez at kung sinsero ba ito o ang motibo ay bunga ng personal na sama ng loob.

Nanawagan naman ang House official sa mga kapwa mambabatas na huwag payagan ang taktika umano ni Alvarez na magkawatak-watak sila at ilaan lamang ang lakas sa pagtataguyod ng interes ng mag Pilipino.