Cebu, PHILIPPINES —Ano ba ang dapat na maramdaman mo kapag nakita o nakasalubong mo ulet ang ex-mo?? Dapat ka bang kabahan? Dapat ka bang masaktan o kaya naman ay matuwa dahil muli mong nakita ang taong minsang naging bahagi ng buhay mo? Marahil nakadepende ang iyong mararamdaman sa dahilan o kinahinatnan ng inyong hiwalayan.
Sa dinami-dami ng lugar at sitwasyon kung saan pwedeng magtagpong muli ang landas mo at landas ng taong dating minahal mo, nakakatawang isipin na muli kayong nagkita dahil pareho kayong nadakip sa curfew.
Iyan ang naging kwento ng dating magkasintahan na sina Angelica at Noel mula sa Talisay City sa Cebu. Viral at pinag-uusapan ngayon sa social media ang nakakatwang pagtatagpo ng dalawa matapos silang magkita sa holding facility kung saan dinadala ng mga otoridad ang mga residenteng lumalabag sa umiiral na curfew.
Ayon sa report, dinala si Angelica ng isang pulis sa holding facility matapos itong abutan ng curfew, pagdating sa lugar, labis nitong ikinagulat nang makita ang kanyang ‘ex-boyfriend’ na si Noel na naroon din sa lugar.
“Sir aking ex na ge kulbaan ako (Sir ang aking ex, kinakabahan ako),” iyan umano ang nasambit ng dalaga sa pulis na may dala sakanya. Nang malaman ito ng mga bantay sa holding facility, inasar at biniro ng mga ito si Angelica na tumabi sakanyang ‘ex’ upang mabawasan ang kanyang kaba.
Ngunit hindi lamang pagtabi sa upuan ang ginawa ng dalawa kundi nag holding hands pa ang mga ito na ikinatuwa at ikinakilig ng mga bantay sa holding area. Kwento pa ng mga ito, binibiro lang naman nila ang dalawa na magtabi ngunit nauwi pa sa pag holding hands ang kanilang pang-aasar sa dating magkasintahan.
Samantala napag-alaman din, na isang linggo pa lamang ang nakakalipas simula nang magkahiwalay ang dalawa. Tanong ng netizens, may pag-asa pa kayang magkabalikan ang mag ‘ex’ na pinagtagpo dahil sa curfew? ### JUMEL DELA ROSA
