LEGAZPI CITY – Sumailalim ang Department of Agrarian Reform (DAR) Bicol sa 2nd surveillance audit na isinagawa ng Worldwide Quality Assurance (WQA) Philippines Inc, upang makamit muli ang International Organization for Standardization (ISO) 9001:2015 certification.
Ang ISO certification ay isang daan upang maipagpatuloy ng opisina ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at ibang pang kasapi nito.
Ayon kay Regional Chief Administrative Officer Patricia T. Rastrullo, hindi umano tumitigil ang kanilang tanggapan sa pagiging ISO certified at kailangan nilang maglevel-up upang ang serbisyo ibinibigay ay mapanatiling maayos.
Dumalo rin ang mga empleyado ng DAR Bicol sa isinagawang cascade session patungkol sa ISO 9001:2015 Quality Management System (QMS) bilang training na naglalayong magbigay kaalaman pagdating sa pagbibigay ng magandang serbisyo sa mga nasasakupan nito.
Ang isinagawang aktibidad ay tumalakay rin sa mga layunin ng ISO upang masigurong maunawaan ng mga empleyado ang saklaw at proseso ng nasabing organisasyon.
Matatandaang, noong nakaraang ika-8 ng Setyembre ay natanggap ng DAR Bicol ang kanilang ISO 9001:2015 certification.