Kapwa pinagtibay ng mga leader ng Senado at Kamara ang kanilang dedikasyon sa legislative agenda ni Pangulong Bongbong Marcos at nangakong gagawing prayoridad ang mga panukalang magpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.
Ito ang napag-usapan sa pormal na pulong nina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero ngayong araw kung saan inilatag ang priority legislation sa pagbubukas ng Third Regular Session ng 19th Congress at pinag-usapan ang mga susunod na hakbang upang masiguro ang napapanahong pag-apruba sa mga ito.
Kasama sa kauna-unahang pulong ang Majority Leaders ng dalawang Kapulungan na sina Representative Mannix Dalipe at Senador Francis Tolentino gayundin ang Deputy Speakers ng Kamara at iba pang mambabatas.
Sinabi ni Romualdez na naging sentro ng diskusyon ang pag-amiyenda sa Rice Tariffication Law na tinukoy bilang “top priority”.
Ipinaliwanag nito na mahalagang hakbang ang RTL amendments tungo sa pagkamit ng food security at matatag na ekonomiya para sa mga magsasaka.
Nagpahayag din sila ng commitment na gawing abot-kaya ang de kalidad na bigas para sa lahat ng Pilipino habang pinalalakas ang kabuhayan ng local farmers.
Bukod sa RTL, tinutukan sa naging pulong nina Romualdez at Escudero ang dalawampung priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC na target aprubahan ngayong buwan.
Ipinunto ni Romualdez na sampu sa mga ito ang naipasa na ng Senado at Kamara, isa ang naging ganap na batas habang ang iba ay nasa iba’t ibang yugto ng legislative process.