Mayroon mang naitalang kaso ng Q fever mula sa mga inimport na kambing na galing sa Estados Unidos, nilinaw ng Department of Agriculture na wala pa silang namo-monitor na lokal na kaso ng naturang sakit sa mga kambing at baka na maaring makahawa sa mga tao.
Ayon sa tagapagsalita ng DA na si Asec. Arnel de Mesa, nagsasagawa na sila ngayon ng surveillance at tracing sa mga tao at hayop katuwang ang Department of Health.
Bagama’t mild zoonotic disease raw lamang ang naturang sakit, ang pagkalat nito ay isa umanong seryosong banta para sa industriya ng agrikultura.
Ayon naman sa Bureau of Animal Industry, na-depopulate na ang lahat ng mga apektadong kambing.
Samantala, wala namang kumpirmado pang kaso ng Q fever disease ang naitala sa tao.
Paalala naman ni De Mesa sa publiko lalo na sa mga nasa malapit at infected areas na lutuin ng mabuti ang mga kambing o kaya naman baka bago ito kainin.
Sa ngayon ay nagpatupad na ang kagawaran ng temporary ban ng mga kambing na galing sa Amerika at magkakaroon ng blocklisting sakaling mapatunayan na may pagkakamali ang importer.