Naniniwala si Cagayan Valley Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao na panahon na upang muling isailalim sa Enhanced Community Quarantine ang Tuguegarao City, Cagayan.
Aniya, batay sa datos ng kanilang hospital ay karamihan sa COVID-19 patients ay pawang mga residente sa naturang syudad.
Ayon pa kay Dr. Baggao, mula sa 194 na pasyente, 84 confirmed cases ay mula sa Tuguegarao City habang 17 naman ang naitalang suspected cases.
Ito umano ay makatutulong upang maiwasan ang lalo pang pagtaas ng transmission ng virus sa siyudad.
Iminungkahi rin nito na kailangang maging istrikto ang lokal na pamahalaan sa implementasyon ng quarantine restrictions partikular ang tamang pagsusuot ng facemask, face shield at pagbabawal sa mass gathering.
Dagdag pa niya, bagaman hindi pa kumpirmado ang delta variant sa lunsod ay ikinokonsidera na ng CVMC na mayroon nang kaso nito na nagiging dahilan ngayon ng surge ng COVID-19.
Sa ngayon, batay sa inilabas na datos ng Tuguegarao City Information office, umakyat na sa 635 ang aktibong kaso sa siyudad matapos maitala ang panibagong 73 na kaso habang pumalo na rin sa 160 ang bilang ng nasasawi may kaugnayan sa COVID-19
Image: https://www.flickr.com/