CSC Bicol, puspusan na ang paghahanda para sa paglunsad ng computerized exam sa rehiyon

LEGAZPI CITY – Puspusan na ang paghahanda ng Civil Service Commission (CSC) Bicol partikular ng kanilang IT team para sa paglunsad ng Computerized Exam (COMEX) sa rehiyon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay CSC Bicol Regional Director Atty. Daisy Punzalan-Bragais, sinabi niya na kabilang sa paghahanda at proseso ang pag-test sa mga system ng ahensya upang maging maayos ang COMEX.

Aniya, dati na umanong nag-inaugurate sa Bicol ng COMEX, kaya lang nagkaproblema sa server at sa internet connection.

Read More:  Ancestral domain application in Negros filed in 2005 wins NCIP approval

Sa buong Pilipinas, marami na aniyang mga rehiyon ang nakakapagsagawa ng COMEX, subalit isa ang Bicol sa mga wala pa nito dahil hindi pa lubos na naaayos ang connectivity.

Kaya, payo niya sa publiko na maghintay na lamang sa updates at advisories nila dahil ire-revive nila ang COMEX, sa ngayon kasi ay nasa processing stage pa lamang sila.

Ayon kay Bragais, malaking tulong ang COMEX upang makapag-accommodate ng maraming examinees para sa Civil Service dahil sa pagiging less hassle nito.

Read More:  Missing 19-year-old woman found dead in Cebu

Iniiwasan na rin kasi umanong mangyari ang tulad noong pandemya na marami ang nais na mag-take ng pen and paper test, subalit limitado lamang ang slots.

Sa pen and paper test kasi kinakailangan pang maghintay ng isa hanggang halos dalawang buwan bago makita ang resulta na siya namang kabaliktaran ng COMEX kung saan makukuha agad ang resulta sa loob ng isang araw.

Samantala, ayon pa kay Bragais, kahit pa magkaroon nang COMEX, magpapatuloy pa rin ang kanilang pen and paper test.