CAMARINES NORTE – Nagpaabot ng pagbati ang Civil Service Commission (CSC) Bicol nitong Lunes, Pebrero 20 kay G. Rex Bernardo na kinilala bilang Outstanding Public Official and Employee o Dangal ng Bayan Awardee sa 2023 Search for Outstanding Government Workers.
Noong isang Linggo ay iginawad mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang parangal ay G. Bernanrdo sa Palasyo ng Malacañang.
Si Bernardo ay ang kasalukuyang Disability Affairs Officer III ng Camarines Norte Provincial Government.
Sa isang pahayag, kinilala ng CSC Bicol ang kontribusyon ni Bernardo para maisakatuparan ang batas at mga programa sa hanay ng Persons with Disability.
Ang mga hakbang umanong ito ang naging dahilan para matanggap ng probinsiya ang Apolinario Mabini Awards noong 2018.
Kinilala rin ng Department of the Interior and Local Government ang opisina ni Bernardo bilang isa sa most functional Persons with Disability Affairs Offices (PDAO) sa bansa.
Noong 2019 ay pinangunahan din niya ang pagtatatag ng PWD Knowledge Resource Center at Tech4Ed Center na binigyan naman ng pagkilala ng Department of Information Communication Technology sa tatlong magkakasunod na taon.
Nagsilbi rin siyang consultant sa ASEAN Enabling Masterplan 2025.
