CAMARINES NORTE- Aarangkada na simula ngayong Lunes, November 15 ang COVID- 19 vaccination sa lalawigan ng Camarines Norte para sa mga batang edad 14 hanggang 17 anyos.
Ayon sa Provincial Health Office (PHO) limampung mga kabataan ang unang batch nang mga babakunahan ngayong araw na magsisimula alas 8 ng umaga sa Outpatient Department ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Bukas naman araw ng Martes ay mas marami ang babakunahan na aabot sa 90 mga kabataan.
Sa ngayon ay maraming magulang ang nagpapalista sa PHO ng kanilang mga anak.
Matatandaan na unang inanunsiyo ng PHO noong November 10 na magbabakuna na ng COVID- 19 vaccine sa naturang age bracket limang araw matapos simulan sa rehiyon ang vaccination sa pediatric population.
Sa pinakahuling advisory ng Provincial Incident Management Team, simula bukas, November 16 ay papayagan nang lumabas ng kanilang tahanan ang mga bata at menor de edad para maka access ng essential services basta’t may kasamang magulang o guardian.
Inanunsiyo naman ng SM City Daet na simula bukas ay papayagan na rin ang mga bata na pumasok sa naturang mall.
