CAMARINES NORTE- Umapela ang isang pari ng Diocese of Daet na huwag na raw sanang gawin pang kontrobersyal ang COVID- 19 vaccination.
Ayon kay Father Salvador Babala IV, Rector at Parish Priest ng Shrine of Jesus the Black Nazarene and Parish of St Lucy ng Capalonga, masyado nang apektado ang marami dahil sa omicron variant kung kaya’t kahit ang Camarines Norte ay nasa ilalim ng Alert Level 3.
Gayunman, wala pang kumpirmadong kaso ng Omicron sa lalawigan.
Aniya ang payo ng simbahan ay pakinggan ang paalala ng gobyerno kung ito naman ay makabubuti tulad ng palagiang pagsunod sa health protocol.
Muli rin nitong hinimok ang mga hindi pa nagpapabakuna na magpabakuna na at kung kailangan na ng booster shot ay makipag ugnayan sa mga kinauukulan.
Paalala pa ng pari sa mga magulang na huwag na munang isama sa pagsisimba ang mga batang edad 11 anyos pababa alinsunod na rin sa panuntunan ng Inter Agency Task Force at ng local Incident Management Team.
Samantala pinag iingat naman ng Department of Health ang publiko sa mga naglalabasang “fake news” tungkol sa bakuna.
Sa isinagawang Press Conference noong Sabado sinabi ni Vera na may mga pag- aaral na nagpapakita na nakakatulong ang bakuna upang maiwasan ang severe o critical case ng COVID- 19.
Kaya naman nakikiusap umano ang DOH sa lahat na maging responsable sa mga nababasang impormasyon at i- verify ito sa tamang sources dahil hindi umano lahat ng nababasa ngayon sa social media ay totoo.
