Umakyat na sa 68% ng 508, 737 na target population ang nabakunahan na kontra COVID- 19 sa lalawigan ng Camarines Norte.
Batay ito sa pinakahuling tala ng Provincial Covid- 19 Vaccination Operation Center hanggang nitong Abril 27.
Pinakamaraming nabakunahan sa pediatric population na age group 12- 17 yrs old na umabot na sa 75 percent.
Sa target na 78, 413 na mabakunahan sa naturang age group nasa 59, 033 na ang nabakunahan.
Mataas na rin ang immunization coverage sa age group na 18- 59 yrs old na nasa 74 percent.
Sa target na 330, 178 na mabakunahan sa naturang age group nasa 243 na ang nakatanggap ng bakuna.
Nananatili namang mababa ang vaccination coverage sa senior citizens o age group na 60 anyos pataas.
Sa target na 55, 004 nasa 35, 242 pa lang ang nababakunahan o 64 percent.
Isa sa mga criteria para maibaba sa Alert Level 1 ang isang lugar ay dapat nasa 80 percent na ang immunization coverage sa naturang age group.
Pinakamababa naman ang immunization coverage sa age group na 5- 11 yrs old na nasa 7 percent pa lang.
Nagsimula ang pagbabakuna sa naturang age group noong nakaraang buwan at mayroon pa lang 6, 365 na nababakunahan sa target na 97, 638.