BNFM BICOL—Inanunsiyo ng Deparment of Health o DOH-Bicol na natanggap na ng nasa 1,120 mga health workers sa rehiyon ang kanilang COVID-19 compensation kaugnay ng ibinigay nilang serbisyo noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa ahensya, pawang mga eligible health workers at iba pang mga empleyado mula sa mga pribado at pampublikong ospital sa rehiyon na nahawaan, nagkasakit at namatay dahil sa COVID-19 ang tumanggap ng nasabing kompensasyon.
Halagang P15,000 ang natanggap ng mga health workers na nagkaroon ng mild at moderate case; P100,000 para sa mga nakaranas ng ‘severe at critical condition habang P1,000,000 naman ang ibinigay sa mga naulilang pamilya ng mga health workers na nasawi sa gitna ng pagbibigay serbisyo at pakikipaglaban sa pandemya.
Mula sa nasabing bilang ng mga benepisyaryo, nasa 1,108 ang nakaranas ng mild condition, lima ang naging kritikal habang pito naman ang pumanaw dahil sa naturang sakit.
Paliwanag ng DOH, sa kasalukuyan ay mayroon pang mga pending claims at idinadaan pa sa proseso habang mayroon din umanong mga naaprubahan na ngunit hinahanapan pa ng pondo.
Nagpahayag rin ng pasasalamat ang DOH sa lahat ng mga health workers sa Bicol na buong pusong ibinigay ang kanilang oras at inilagay sa alanganin ang sariling buhay, makapagbigay lamang ng serbisyo medikal sa mga kapuwa Bicolanong tinamaan ng COVID-19.###