COVID-19 cases sa bayan ng Tumauini, Isabela, bahagyang humupa; pagpapatupad ng liquor ban, naging epektibo

Bahagyang humupa na ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Tumauini, Isabelas sa nakalipas na mga araw.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Mayor Arnold Bautista, batay sa kanilang pinakahuling datos ay mayroong 114 active cases ang kanilang bayan mula sa dating mataas na naitalang kaso na umabot pa sa 178 cases.

Dahil dito ay idineklara ng alkalde ang pagpapatupad ng liquor ban at mas maagang curfew hour na magsisimula ng alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga noong June 7 hanggang June 21, 2021 gayunman titignan pa nila aniya kung palalawigin ito o hindi na.

Read More:  24 Chinese nationals arrested in Davao del Norte operation

Layunin aniya nitong ipatupad upang maiwasan ang pag-inom ng alak na nagiging dahilan ng mass gatherings na posibleng pagmulan aniya ng lalo pang pagkalat ng virus.

Aniya, karamihan sa mga COVID-19 cases sa bayan ay local transmission habang may ilang naitala naman na mga OFW.

Ilan naman sa kanilang mga mild, moderate at severe cases ay nasa mga pagamutan habang nasa LGU isolation facilities ang mga asymptomatic.

Sinabi pa ni Mayor Bautista na palagi niyang pinupulong ang mga barangay kapitan para tutukan ang pagbabantay sa kanilang mga nasasakupan araw-araw.

Read More:  HBONI, DOST push science-based development in Himamaylan IP community

Nagpapatupad din sila aniya ng lockdown sa mga barangay na may kaso ng COVID-19 at tiniyak din niya ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong residente.

Paalala naman ng opisyal sa kaniyang mga kababayan na huwag ipagsawalang bahala ang COVID-19 at palaging sundin ang minimum health standards.

Iwasan din muna aniya ang mga gatherings dahil ito ang nakakadagdag sa kanilang COVID cases at hanggat maaari ay manatili sa mga tahanan kung wala namang importanteng pupuntahan.