CAMARINES NORTE- Umakyat na sa kabuuang bilang na 212 ang mga tinamaan ng COVID- 19 sa Basud, isa sa mga bayan sa lalawigan ng Camarines Norte na mayroong mataas na kaso.
Batay sa case bulletin ng Lokal na Pamahalaan na inilabas kahapon, sumampa na rin sa 17 ang bilang ng mga nasawi dahil sa sakit.
Kabilang sa mga bagong nagpositibo sa COVID- 19 kahapon ay ang isang nurse mula sa Barangay Poblacion 1.
Siya ay isang 35 anyos na babae na unang nakaranas ng sintomas noong October 4.
Maliban sa nurse, isang Barangay Healthworker din ang bagong nagpositibo sa sakit na mula naman sa Barangay Poblacion 2.
Nagpositibo rin sa COVID- 19 ang Office Encoder na mayroong travel history sa Sto Tomas, Batangas at close contact ng naunang nagpositibo sa sakit.
Nasa 25 naman ngayon ang aktibong kaso ng sakit sa naturang bayan habang 170 ang gumaling.
Nangunguna ang Poblacion 2 sa may pinakamaraming naitalang kaso.
Sa 29 na barangay sa naturang bayan ay dalawa na lang ang wala pang naitatalang kaso at ito ay ang Binatagan at San Jose.
Nitong Huwebes at Biyernes ay nagsagawa muli ng pagbabakuna sa naturang bayan ng Pfizer at Sinovac.
