SORSOGON CITY – Ang sunod-sunod na pagsurender ng mga kasapi ng New People’s Army sa pamahalaan ay pahiwatig umano ng pagkakawatak-watak ng rebeldeng grupo sa lalawigan, ito ang tahasang sinabi ng commander ng 22nd Infantry Battalion na si Ltc. Nelson Mico.
Umaga noong Oktubre 7, walong kasapi ng NPA ang sumurender sa nasabing batalyon kasabay ng pagbaba ng mga ito ng kanilang armas na kinabibilangan ng isang AK47, AR15 at isang kalibre 45 na pistola.
Dagdag pa ng opisyal, ang dumaraming kamalayan ng taong-bayan tungkol sa kalupitan ng rebeldeng grupo ang isa pang dahilan kung bakit nawawalan na sila ng manpower at firepower.
Bago ito, kamakailan lang ay sumurender ang 27 kasapi ng NPA sa 22nd Infantry Battalion sa headquarters nito sa Brgy Rangas, Juban, Sorsogon.
Noong buwan ng Enero ay 20 miyembro naman ng Sentro de Grabidad (SDG) ang nagbalik-loob sa pamahalaan kasabay ng pagbaba ng kanilang 20 malalakas na kalibre ng baril.
PHOTOS: 22 IB, PA


