Pinaigting pa ng lokal na pamahalaan ng Luna, Isabela katuwang ang Rural Health Unit ang kanilang contact tracing matapos maiulat ang isang kaso ng delta variant at napaulat na recovered na noong August 3, 2021.
Ito ang kinumprima ni Mayor Jaime Atayde ng Luna, Isabela sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, binabalikan o dino-double check narin ng mga contact tracers ang kanilang nauna nang isinagawang contact tracing noong August 3 at wala namang naitalang contamination sa araw na iyon.
Pinaalalahanan naman ng alkalde ang publiko na huwag magpanic dahil manageable naman umano ang COVID-19 situation at nilinaw na hindi umano sasailalim sa ECQ ang bayan ng Luna.
Sumunod lamang aniya sa ipinapatupad na minimum public health standards upang maiwasan ang pagtaas ng kaso.
Samantala, nasa 100% na aniya ang nabakunahan sa Luna, Isabela na kabilang sa A1 priority habang nasa 95% naman ang A2 at sa ngayon ay nagsimula na ang kanilang vaccination roll out para sa mga indibidwal na kabilang sa priority list group A3, A4 at A5.