Cong. Lagman, binira ng kapwa kongresista dahil sa “pagtulog” sa budget hearing

Katandaan, pagtulog at pagpila sa budget hearing ang laman ng panibagong patutsada ni House Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co laban kay Albay Congressman Edcel Lagman.

Sa gitna ito ng sagutan nina Co at Lagman kaugnay sa sinasabing bilihan umano ng boto para sa People’s Initiative upang isulong ang Charter Change.

Ayon kay Co, mga “marites” o mahilig sa tsismis ang nagpapakalat ng ideya tungkol sa pagsisingit ng pondo sa Commission on Elections na gagamitin umano sa People’s Initiative.

Read More:  Lacson: online participation may not be allowed in impeachment trial

Tama lang aniya ang salitang “natutulog” kay Lagman dahil ipinaliwanag na sa plenaryo ang pag-restore sa proposed budget ng COMELEC pero dahil sa katandaan ay maaaring hindi na umano nito narinig.

Inalala rin ni Co na tuwing budget hearing ay lagi umanong nauunang pumila si Lagman para magkaroon ng pondo ang distrito at hindi naman siya napapabayaan di tulad noong administrasyong Duterte na “zero” ang natanggap.

Read More:  Sen. Bato’s camp calls for respect for ex-PNP chief’s human rights

Dagdag pa ng kinatawan ng Ako Bicol Party-list, masyado pang maaga para mamulitika kaya walang katotohanan ang alegasyon ng nangyayaring bayaran kung saan binibili umano ang suporta sa Charter Change sa halagang isandaang piso.

Kahit piso ay wala umanong binibili at hindi na kailangang bilhin ang boto ng taumbayan dahil malinaw sa 1987 Constitution na umiiral ang demokrasya sa Pilipinas at ito ang rason ng pagkakaroon ng People’s Initiative.