Nilinaw ng Commission on Elections na hindi basta-basta ang pagsu-substitute ng mga nominees ng isang party-list para sa pagkakaroon ng puwesto nito sa Kamara.
Sa pulong balitaan, sinabi ni COMELEC acting spokesperson Dir. John Rex Laudiangco na kinakailangan pa ring sundin ng mga nais maging nominee ng party-list ang proseso para rito.
Ginawa ni Laudiangco ang paalala matapos magdeklarang panalo ang ilang mga indibidwal para sa pagka-party-list nominee kahit na hindi ito opisyal na nasa listahan ng poll body.
Paliwanag niya, dapat ay sumunod pa rin sa timeline ng filing ng COC at ng substitution ang isang party-list nominee.
Pinapayagan lang umanong umupo sa party-list ang isang kandidato nang lagpas sa deadline kung ito ay wala nang kapasidad para manungkulan.

Dagdag pa ni Laudiangco, bagamat nirerespeto nila ang desisyon ng mga party-lists na magkaroon ng self-declaration sa pagkapanalo – makabubuti pa rin aniya kung hintayin pa rin ng mga ito ang opisyal na proklamasyon mula sa COMELEC at ng NBOC.
Samantala, sinabi ni Laudiangco na kukumpirmahin pa nila kung nasa orihinal na listahan ba ng nominees si dating COMELEC commissioner Rowena Guanzon sa P3PWD party-list o ang Pamilya, Pasyente, at Persons with Disabilities party-list.
Ito ay matapos mag-post si Guanzon ng litrato na mayroong caption na ‘from commissioner to congresswoman’ kaugnay ng kanyang pagbati sa P3PWD party-list na kanyang sinuportahan at kinampanya.
Nakatakdang i-proklama ang mga mananalo sa party-list race sa Huwebes, May 19; habang ang mga nanalo naman sa pagka-senador ay sa Miyerkules, May 18.
#