CAMARINES NORTE- Nanindigan ang Commission on Elections na hindi na nito palalawigin ang deadline para sa pagsusumite ng statement of contribution and expenditures o SOCE sa lahat ng mga kumandidato sa katatapos lang na May 9, 2022 elections.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Basud, Camarines Norte Election Officer IV Virgilio Veras sinabi nitong hanggang alas 5 lang ng hapon ngayong Miyerkules, June 8 ang pagtanggap ng Comelec ng mga maghahain ng SOCE.
Kaya naman umapela si Veras sa mga kumandidato nanalo man o natalo na maghain ng SOCE dahil obligasyon umano ito sa ilalim ng batas.
“Ang SOCE naman ay kinakailangan nilang magsumite nung hard copies, yung printed siya ng tatlong kopya at meron itong CD na kung saan ay dapat rewritable na pwedeng buksan ng aming punong tanggapan kasi minsan magba back up siya nung iyong SOCE na dun nakapaloob sa CD o USB, minsan ay hindi naman pwedeng buksan so dapat pwede siyang buksan o rewritable siya yun ang aming sinasabi na isumite para lang matingnan kung parehas yung nilalaman nung nasa CD o USB at maging dun sa kanilang print out copies nung kanilang SOCE,” ani Veras.
Mag iisyu ng Certificate of Compliance ang Election Officer sa mga nakapagsumite na ng SOCE.
Babala ni Veras, hindi pwedeng umupo sa pwesto ang mga nanalong kandidato hanggang hindi nakakapaghain ng SOCE.
Aniya, mayroong Campaign Finance Office ang Comelec na nakatalagang bumusisi saamga isinusumiteng SOCE.
