CAMARINES NORTE- Pinayuhan ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda lalo na ang mga maliliit ang bangka na huwag na munang pumalaot dahil sa malakas na alon ng karagatan.
Batay sa inilabas na Sea Travel Advisory ng Coast Guard Station Camarines Norte kaninang alas 5 ng madaling araw strong to gale force winds ang inaasahang mararanasan sa karagatang sakop ng lalawigan dahil sa Northeast Monsoon.
Susog naman ito sa gale warning na ipinalabas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa.

Sa ilalim ng Memorandum Circular patungkol sa Guidelines on Movement of Motorboats/Vessels, hindi pinapayagang maglayag ang mga bangkang nasa 250 gross tonnage pababa kapag ganitong panahon.
Patuloy ding minomonitor ang banta ng bagyo na nanatiling nasa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Ayon naman sa Pagasa, maulap na kalangitan na may kalat- kalat na mga pag ulan at pagkidlat ang mararanasan sa kabikulan.
