CAMARINES NORTE- Pinaghahandaan na ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagdagsa ng mga turista sa iba’t- ibang tourist destination sa lalawigan ng Camarines Norte ngayong unti- unti nang niluluwagan ang COVID- 19 restrictions.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, substation commander ng Coast Guard Mercedes, sinabi nitong inaasahan na nila ang pagluluwag ng mga restriction at ang kaakibat nitong pagbubukas muli ng mga tourism destinations.
Ang pangunahing concern umano ngayon ng PCG ay ang pagtitiyak na compliant ang mga bangkang pang turista sa mga safety measures.
Bago umalis ang bangka ay dadaan muna ito sa Pre Departure Inspection ng Coast Guard at titingnan kung kumpleto ang mga ito ng life jacket at iba pang safety equipment.
Ani Rosales, ang mga pampasaherong bangka at pang turista ay dapat sumusunod sa mga alituntunin ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Ang Coast Guard ang deputized enforcer ng MARINA.
“Sa pre -departure inspection naman yung safety ng requirement ng isang bangka ang hinahanap natin kaya nga tayo nagbo- board para makita natin kung kumpleto ang life jacket niya, may fire extinguisher siya, lahat ng mga safety requirements sa bangka na requirement dapat nandun sa bangka na yun,” ani Rosales.
“Kasi dapat pagka isa kang tourist boat o passenger boat ay dapat MARINA registered ka, alam naman po nila yan na noon pa hindi na talaga tayo nagpaapaalis ng bangka na hindi pa Marina registered.”
“Sa amin naman kung ano ang mga safety requirements at certificate na iniisyu ng MARINA yun ang pina- iimpose namin kasi kami ang deputized enforcer ng MARINA regarding s amga certificate na hinahanap natin sa isang bangka.”
Pero bago pa man umano sila magsagawa ng Pre- departure inspection sa bangka ay dapat na dumaan muna ang mga turista sa nakakasakop na Tourism Office.
