CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Philippine Coast Guard ang mga turistang magtutungo sa Calaguas island na maging responsable sa kanilang basura at panatilihin ang kalinisan sa lugar.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay LTJG Ronnie Rey Pabico, Acting Station Commander ng Coast Guard Camarines Norte inihayag nito na isa umano sa inaalala nila ay ang pagdami rin ng mga basura dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga turista.
Ayon kay Pabico hindi dapat ibinabaon ang mga basurang hindi nabubulok tulad ng mga plastic sa dalampasigan.
Kailangan aniya itong ma- dispose ng maayos upang hindi dumating ang panahon na palutang- lutang sa dagat ang mga ibinaong basura sa dalampasigan.
Dapat aniyang maging responsable ang mga nagtutungo sa isla upang mapangalagaan ang ganda ng lugar
“Pag paulit- ulit kasi nating ibinaon yan dun sa shoreline mismo, possible kasi na in time, dun pa rin yan lalabas pag ano pagpadaloy- daloy ang tubig, although inilalim mo siya hindi kasi siya basta basta nadi -decompose diba, since na isa yan sa magandang tourist destination natin dapat pangalagaan din natin,” ani Pabico.
Isa rin sa tututukan ng Coast Guard ang mga bangkang pang turista at sisiguruhing mayroong dokumento ang mga ito at may mga safety equipment sa bangka.
Ang usapin umanong ito ay nabuksan na rin sa katatapos lang na 2022 1st Quarter PDRRMC Full Council Meeting noong Huwebes.
Nais umano ng Coast Guard na masigurong ligtas ang mga bangka na maghahatid sa mga turista.
“Hindi kami magpapabiyahe without proper documents kasi ano yan, kasama yan sa safety requirements namin.”
