CAMARINES NORTE -Nag abiso ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisda lalo na sa maliliit ang bangka na huwag na munang pumalaot ngayon dahil sa nakabanderang gale warning ng Pagasa.
Batay sa inilabas na Sea Travel Advisory ng Camarines Norte Coast Guard Station strong gale force winds ang asahan sa karagatang sakop ng lalawigan dahil sa Northeast Monsoon.
Magiging maalon hanggang sa napakaalon ang kondisyon ng karagatan sa lalawigan na may taas ng alon na tinatayang nasa 2. 8 hanggang 4. 5 metro.
Sa ilalim ng isang Memorandum Circular hinggil sa movement ng mga bangka, ipinagbabawal ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat na 250 G.T. pababa kapag ganito ang kundisyon ng karagatan upang makaiwas sa disgrasya.

Una nang nagpaalala si Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, substation Commander ng Coast Guard Mercedes na maging mapagmatyag sa lagay ng panahon at karagatan.
Payo ni Rosales sa mga mangingisda na palagiang makinig ng radyo at manood ng telebisyon para pinakahuling update sa lagay ng panahon.
Sakaling bumuti na uli ang sitawasyon ng dagat ay kinakailangan pa rin aniyang maging maingat lalo na ngayong panahon na umiiral pa ang amihan.
