Tumangging magkomento ang Commission on Audit (COA) kaugnay ng tirada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa state auditors.
Ito ay matapos sabihin ng pangulo sa COA na tigilan ang pagpuna sa mga government agencies matapos na mapansin ng COA ang iba’t-ibang deficiencies sa paggamit ng Department of Health (DOH) ng kanilang COVID-19 funds na nagkakahalaga ng P67.32 bilyon.
Nang hingian ng komento si Jonathan Beltran ng COA Public Information Office, sinabi nitong di magbibigay ng komento o reaksyon ang constitutional commission at para lamang sa transparency ang kanilang inilalabas na reports.
Kaugnay nito, nanindigan naman si presidential spokesperson Harry Roque na di banta ang pahayag ng pangulo kundi pagpapahayag lamang ng kanyang frustration.
Samantala, pinaalalahanan naman ng ilang mambabatas ang punong ehekutibo na walang makakapigil sa COA at iba pang constitutional bodies na gawin ang kanilang mandato.