Nababahala na umano ang lokal na pamahalaan ng City of Ilagan sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa lunsod.
Ito ang inihayag ni City Information Officer Paul Bacungan sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Dahil dito ay minabuti aniyang isailalim sa localized lockdown ang 35 na barangay sa syudad simula alas-8 ng gabi ng September 26 hanggang October 4, 2021 alinsunod sa EO No. 54 na inilabas ni Mayor Jose Marie Diaz.
Aniya, noong nakaraang Sabado lamang ay mayroon silang 176 confirmed positive cases at mahigit 300 na mga indibidwal na nagpositibo sa antigen test.
Ngayong araw, sa huling datos ng Isabela PIO ay tumaas pa sa 243 ang kabuoang aktibong kaso ng syudad.
Ayon kay Information Officer Bacungan, labindalawa sa 35 barangays na isinailalim sa lockdown ay mula sa metro-poblacion ng lunsod kung saan galing din ang karamihan sa mga infections.
Kaugnay nito ay epektibo na aniya ang liquor ban sa mga apektadong barangay, ipinagbabawal na ang mass gatherings at ang curfew hours ay epektibo simula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.
Nakaantabay na rin aniya ang mga nagbabantay sa mga barangay checkpoints at naglagay na rin ng mga barikada.
Sinabi pa niya na magkakasunod na ang ipinatupad na granular lockdown nito lamang nagdaang buwan ng Agosto hanggang ngayong Setyembre bilang hakbang ng LGU na mabawasan ang lalo pang hawaan sa mga apektadong lugar bunsod ng pagkakatala ng mga tinatamaan ng virus.
Umapela naman ang lokal na pamahalaan sa mga residenteng apektado ng lockdown na maunawaan ang hakbang na ito ng LGU at ang sumunod pa rin sa mga panuntunan upang makatulong sa pagpapababa ng aktibong kaso ng syudad.