Umaasa ang Confederation of Filipino Workers (CFW) na magiging mandatory sa lahat ng mga employers sa bansa ang pagbibigay ng ‘paid isolation and quarantine leave’ sa kanilang mga manggagawa na tatamaan ng covid-19 o magiging close contact.
Ayon kay Angie De Ocampo, vice President ng naturang labor group, mahigpit nilang tinututulan ang labor advisory ng Department of the Interior and Local Government (DOLE) na hinihikayat lamang ang mga employers na magbigay ng bayad na isolation leave sa kanilang mga empleyado.
Hindi umano sila naniniwala sa pahayag ni Presidential adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na hindi kakayanin ng mga maliliit na negosyante na magbigay ng paid isolation leave sa mga manggagawa.
Sinabi pa ni De Ocampo na hanggang sa ngayon ay maraming nagtatanong sa kanila na mga manggagawa na kung ano ba ang dapat gawin sa naturang labor advisory.
Plano naman aniya ng CFW ngayon na makipag-usap kay Labor Sec. Silvestre Bello at hilingin na gawing mandatory ang ‘paid isolation and quarantine leave’.
