CAMARINES NORTE- Nanawagan ang ilang Catholic Bishops sa mga kabataan na tigilan ang paninisi sa kapwa sa halip ay akuin ang responsibilidad sa kanilang buhay.
Ayon sa mga Obispo na bumubuo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines- Episcopal Commission on Youth (CBCP- ECY) sa panguguna ng kanilang Chairman na si Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, na kung nais ng mga kabataan na magtagumpay sa buhay ay kailangang tigilan ang paninisi sa ibang tao at sa mga circumstances.
Dapat din umanong i- maximize at ibahagi ng mga kabataan ang kanilang talento at maging responsable.
Ginawa ang panawagan sa inilabas na mensahe ng mga Obispo kaugnay sa pagdiriwang ng National Youth Day na ginagawa tuwing December 16.
Bukas ay ipagdiriwang ang World Youth Day sa Lisbon, Portugal at mayroon ding lokal na selebrasyon dito sa Diyosesis ng Daet.
Kinilala rin ng mga Obispo sa kanilang mensahe ang paghihirap ng mga kabataang Pilipino lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Marami umanong mga kabataan ngayon ang nakakaranas ng panghihina, nawawala, nagiging desperado at mayroon pang mga namamatay dahil sa pandemya.
Sa kabila nito, hinimok ng mga Obispo ang mga kabataan na huwag hayaan ang sarili na malunod sa trahedya at kasawian na kanilang nararanasan.
