BNFM BICOL—Plano ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes na magpatayo ng expansion ng Eastern Bicol Medical Center bilang bahagi ng kanilang COVID-19 response, lalo na at patuloy pa rin sa pagtaas ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa islang lalawigan.
Sadya umanong maliit ang kapasidad ng EBMC na siyang itinuturing na pinakamalaking pampublikong ospital sa probinsya kaya nararapat lamang na pag-aralan at pagplanuhan na ang posibleng expansion nito.
Bukod kase sa kakulangan ng hospital beds, kulang rin ang kakayahan ng nasabing pagamutan na maibigay ang ilan sa mga serbisyong pangkalusugan sa mga taga isla lalo na ang mga kritikal na kondisyon na nangangailangan ng mas seryosong gamutan.
Ayon sa Provincial Government, may isang pribadong ospital sa lalawigan ang posibleng bilhin ng gobyerno at gawing extension ng EBMC o kaya naman ay gumawa ng bagong gusali at ilipat doon ang tanggapan ng Philippine Red Cross upang ang kinatitirikan nito ngayon ay ang siyang magsisilbing expansion ng naturang ospital.
Ang pondong gagamitin para sa konstuksiyon nito ay magmumula sa pondong nakaalan para sa mga infrastructure projects kung saan nasa P142-million ang budget para sa repair at rehabilitasyon ng mga gusaling pag-aari ng gobyerno.###