Carlo Aquino, bigong makasali sa cast ng Squid Game dahil sa travel restrictions

Ibinunyag ng aktor na si Carlo Aquino sa serye ng Instagram posts nito na inalok siya na maging bahagi noon ng “Squid Game” na isa sa mga pinakapatok na series ngayon sa video streaming platform na Netflix.

Makikita sa posts ng aktor ang naging offer sa kaniya ni “Squid Game” director Hwang Dong-hyuk na maging bahagi ng casts nito.

Gayunman nabigo siya na makasali sa survival-themed series dahil sa travel restrictions na dulot ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Carlo na inalok sa kaniya ang role ni Abdul Ali, o Player No. 199, na isang Pakistani na nagtungo sa Korea.

Sa nasabing series ay napilitan si Ali na sumali sa brutal na kompetisyon para tulungan ang kaniyang mag-ina matapos tumanggi ang employer nito na siya ay sahuran.

Kalaunan ay napunta ang role sa 34-anyos na Indian theater, film at TV star na si Anupam Tripathi na lumabas na sa maraming K-dramas at movies kabilang na sa “Descendants of the Sun”, “Space Sweepers”, “Taxi Driver”, “Hospital Playlist” at marami pang iba.