SORSOGON CITY–Mas makapal at mas madaming abo ang ibinuga ng Bulkang Bulusan sa panibagong phreatic eruption na naitala ngayong Linggo, Hunyo 12.
Sa press briefing na ipinatawag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero sinabi nito na mas maraming lugar ang inabot ng ashfall sa ngayon kung ikukumpara sa unang pagbuga ng abo ng bulkan noong Hunyo 5.
Batay sa record ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), tatlong barangay ang nakaranas ng matinding pagbagsak ng abo kabilang ang Bacolod, Rangas at Añog sa bayan ng Juban.
Nakaranas naman ng moderate ashfall ang mga barangay ng Buraburan, Catanusan, Calateo, Sipaya at Aroroy sa bayan din ng Juban.
Gayundin ang mga barangay ng Mabini, Inlagadian, San Juan, Escuala at Tigbao sa bayan ng Casiguran.
Mayroon ding mga reported ashfall sa 14 pang barangay sa bayan ng Casiguran at walong barangay sa bayan ng Magallanes.
Maging ang lungsod ng Sorsogon at mga bayan ng Castilla at Pilar ay nakaranas din ng pagbagsak ng abo.
Agad namang idineploy ang mga tauhan ng BFP, PNP, AFP, DPWH at iba pang mga katuwang na ahensya at unit para sa paglilinis at flushing sa mga pangunahing kalsada kasabay ng pagsiguro sa seguridad ng mga apektadong mamamayan.###
