SORSOGON CITY–Umaabot sa 11,348 na indibiwal o katumbas ng 2,877 na pamilya ang apektado ngayon ng pag-alburuto ng Bulkang Bulusan.
Sa press briefing na ipinatawag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ngayong hapon, inihayag nito na sa mga nabanggit na apektadong populasyon, nasa 338 ang inilikas na katumbas ng 103 pamilya.
Kabilang sa mga ito ang nasa 37 vulnerable individuals mula sa Barangay San Roque sa bayan ng Bulusan.
Una nang tiniyak ng gobernador na sapat pa ang pondo ng pamahalaang panlalawigan para sa pagbibigay ng asistensya sa mga apektadong mamamayan habang marami na ring mga ayuda ang dumating mula sa unang pagputok ng bulkan noong June 5.
Mababatid na kaninang alas 3:37 ng umaga nang maganap ang panibagong phreatic eruption ng bulkan kung saan mas madami at mas makapal na abo ang ibinuga nito.###
