CHINA— Ikinagulat ng isang ENT Doctor sa bansang China ang pagkakatuklas ng isang gagamba sa tenga ng isang lalaki na hindi lamang buhay kundi gumagawa pa ng sapot.
Ilang araw nang umiinda ng pananakit ng tenga ang hindi na pinangalanang pasyente kaya naman nag desisyon siyang magpa konsulta sa ENT doctor na si Dr. Cui Shulin.
Ayon kay Dr. Shulin, pangkaraniwan na ang mga insidente kung saan nakakapasok ang mga insekto sa tenga ng tao pero iyon umano ang unang beses na nakakita siya ng gagambang pumasok sa tenga ng kanyang pasyente at gumawa pa ito ng sapot.
Nakita sa pamamagitan ng endoscope ang kulay puti at mala bulak na foreign object sa ear canal ng pasyente bukod sa gumagalaw na insekto sa loob nito.
Sa pamamagitan ng syringe at tubig, na i-flush out ang naturang insekto sa tenga ng lalaki kasama ang ginawa nitong sapot.
Matapos ito, isinailalim din sa check-up ang naturang lalaki at laking pasasalamat nito sapagkat hindi naman naapektuhan ang kanyang pandinig dahil sa insidente.## JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol