Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na susuportahan ng Kongreso ang mga programa ni Pangulong Bongbong Marcos na magpapalakas sa produksyon ng pagkain sa nakatakdang paghimay sa panukalang pambansang budget.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag sa distribusyon ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk sa Puerto Princesa City sa Palawan na pinangunahan ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Romualdez, obligasyon ng gobyerno na siguruhing busog din ang pamilya ng mga magsasaka at mangingisda at may maliwanag na kinabukasan ang kanilang mga anak.
Sa pagbibigay aniya ng suporta sa naturang mga sektor ay mapalalakas ang produksyon ng pagkain at matitiyak na abot-kaya ang presyo para sa mamamayan.
Kumpiyansa rin ang House Speaker na sa tulong ng PAFF ay tataas ang produksyon at mababawasan ang pag-aangkat ng mga produkto lalo’t ang misyon ay magkaroon ng maayos na supply chain.
Idinagdag pa nito na dadalhin na ang makabagong pamamaraan ng pagsasaka at pangingisda sa lalawigan dahil isa ito sa mga napiling makikinabang dulot na rin ng taglay na natural resources.
Hindi lamang umano direktang tulong suporta ang misyon sa mga magsasaka at mangingisda kundi kasama rin ang imprastraktura.