BICOL—Kumpiyansa ang Department of Education (DepEd) Bicol na malaki ang naitulong ng Brigada Pagbasa hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa mga magulang ngayong nasa gitna ng pandemya.
Ayon kay Mark Kevin Arroco, Project Development Officer II ng DepEd Bicol, layunin ng programa na matulungan ang mga kabataan na mapataas ang kasanayan sa pagbasa at pag-unawa sa kanilang binabasa.
Ito kasi umano ang isa sa mga problemang kanilang nakikita kung bakit hindi makausad ang ibang mga learners dahil nahihirapan silang intindihin ang mga aralin lalo ngayong ipinatutupad ang blended learning. Madalas ay problemado rin ang mga magulang kapag hirap ang mga anak sa module.
Sa pamamagitan ng Brigada Pagbasa ay kumuha ang DepEd ng mga volunteer teachers upang tulungan ang mga struggling learners na mapataas ang kasanayan sa pagbabasa.
Kaugnay nito ay kinikilala rin umano ng ahensya ang kontribusyon ng mga nasabing volunteers na ayon kay Arroco ay hindi naman basta-basta dahil karamihan sa mga ito ay mga tapos ng kursong Edukasyon habang ang iba naman ay mga lisensyado na.
Bilang pagkilala ay binibigyan umano ang mga ito ng DepEd ng puntos bilang dagdag sa kanilang teaching experience na maaari nilang magamit sa pag-apply ng trabaho.### || slm