Batangas -Nagpahayag na ng pagkaalarma ang lokal na pamahalaan dahilan sa mabilis na hawaan at pagtaas ng bilang ng mga binabawian ng buhay dahilan sa Covid19 sa Lemery, Batangas.
Nagpasya na ang lokal na pamahalaan na magpapatupad ng animo’y “border lockdown” kung saan pansamantalang hindi papayagang makapasok sa bayan ng Lemery ang mga hindi lehitomong residente dito simula bukas, September 8.
Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay Lemery Mayor Larry Alilio, sinabi nito na nagpalabas na ang kanyang tanggapan ng Executive Order na naglalayon na pansamantalang hindi papasukin ang mga hindi residente sa kanyang bayang nasasakupan.
Ipinaliwanag ni Mayor Alilio na tatagal ang ganitong sistema sa loob ng sampung araw upang subukan kung magkakaroon ng kabawasan ang bilang ng mga nagpopositibo lalot higit ang mga binabawian ng buhay.
Kaugnay nito nagbigay naman ng konsiderasyon si Mayor Alilio sa sinuman na may mahalagang transaksyon na maaring magpakita lamang ng patunay sa mga ilalatag na checkpoints, halimbawa na ang reseta ng kelangan bilhin gamot o kaya naman ay pupunta sa mga ospital sa loob ng bayan ng Lemery.
Nagbabala din si Mayor Alilo na maaring gawin ang pag-aresto ng kapulisan sa mga lalabag sa panuntunan.
Sa huli nagbigay mensahe ni Mayor Alilio na walang magsasarang negosyo sa loob ng kanyang bayan, tanging mga Lemerenyo nga lamang ang gagalaw sa loob ng kanyang nasasakupan dagdag pa ang paghingi ng pang-unawa at paumanhin sa mga kalapit na bayan nito gaya ng Agoncillo, Taal. Calaca, San Luis, Sta. Teresita, Alitgtag at iba pang mga bayan.