Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go ng mas malaking pagkakaisa sa gitna ng pagsusumikap na malampasan ang COVID-19 pandemic bilang mas matatag na bansa.
Paliwanag ni Go, sa kabila ng kanyang vice presidential bid, nananatili umano siyang nakatutok sa kanyang obligasyon bilang senador at public servant, lalo na sa pagtulong sa gobyerno at sa publiko sa paglaban ng COVID-19 pandemic.
“Magkaisa po tayo para mas mabilis na malampasan ang pandemyang ito bilang isang mas matatag na bansa. Bayanihan at bakuna muna bago ang pulitika,” saad ni Go.
“Sabi ko nga, mamaya na muna ‘yung pulitika. Unahin po natin ‘yung pagseserbisyo para sa ating mga kababayan,” giit nito.
Nangako rin ang senador na hindi sasayangin ang anumang pagkakataon na magsilbi sa kapwa Pilipino na nangangailangan, kaya siya umano ay magiging “working vice president” sakaling ihalal ng mga tao.
“Alam n’yo, kung papalarin po, I will be a working vice president na hindi lang nag-aantay d’yan at babatikusin ang Pangulo. I will be a working VP, walang masasayang na oras, walang masasayang na minuto,” pahayag ng senador.
“Ibig kong sabihin, magseserbisyo ako sa inyo. Of course, as a VP, ‘di lang ako magiging spare tire na mag-aantay lang. Gusto ko po na magiging worth it naman po ang pagpili n’yo sa akin bilang VP kung saka-sakaling papalarin po. Tutulungan ko po ang magiging pangulo,” patuloy ni Go.
Binanggit rin ni Go na handa siyang makipagtrabaho sa kahit sinuman ang mamuno sa bansa, at nangako na ibabahagi ang aral na kanyang natutunan mula sa pagtatrabaho kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ituturo ko po kung ano po ang natutunan ko kay Pangulong Duterte sa kanyang administrasyon ngayon. Tutulungan ko para maging successful dahil ito ang panahon ng pagtutulungan, ito po ang panahon ng pagkakaisa dahil nasa krisis tayo at papunta tayo sa economic recovery,” ani Go.
“Marami po ang nagugutom, marami ang nawawalan ng trabaho, so magtulungan po tayo. I will be a working public servant para sa ating mga kababayan,” dagdag ng mambabatas.
