Binigyang diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang walang sawang suporta niya at ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga Filipino athletes na magko-compete sa 2020 Tokyo Olympics, sa kabila ng kanilang absence sa nalalapit na Opening Ceremonies sa July 23.
“Hindi na po, marami po tayong dapat unahin at masyado pong risky kung magta-travel po ang ating mahal na Pangulo sa ngayon. Importante po full support kami,” saad ni Go.
Pero ayon kay Go, sigurado umano siyang handa si Pangulong Duterte, na magbigay ng insentibo kung makakuha ng medalya ang Pilipinas.
Una nito, umapela ang senador sa gobyerno na isama sa priority list ng COVID-19 vaccination ang mga Filipino athletes at iba pang delegado na magko-compete o makikilahok sa Olympics.
Positibo rin ang senador na magpeperform ang bansa ng maayos at umaasang makakakuha ang bansa ng unang gold medal sa edisyon ng laro ngayon taon, mula sa 19 na ipinadalang atleta.
“Sana po ay manalo. We wish them good luck at ako naman po ay tiwalang kakayanin nating manalo at makakuha ng ating inaasam na gold medal para sa ating bayan. Dito lang po kami full support po kami sa ating mga atleta,” dagdag nito.
Bilang advocate ng long-term sports development, isinusulong ni Go ang mga panukala na po-protekta sa kapakanan at magpo-promote sa kaayusan ng mga atleta tungo sa sports renaissance ng bansa.
