Bo Perasol, nagbitiw bilang coach ng UP – report

Pormal nang nagbitiw si Bo Perasol bilang head coach ng University of the Philippines men’s basketball team.

Kinumpirma ito ni Perasol sa isang panayam, nang matanong siya tungkol sa mga naglalabasang ulat online tungkol sa kaniyang resignation.

Sinabi ni Perasol na inaasahang maglalabas ng pahayag ang UP administration at team management ngayong araw.

Matatandaan na unang nagsilbi si Perasol bilang coach ng Ateneo de Manila University Blue Eagles bago ito lumipat sa Fighting Maroons noong 2016.

Pinangunahan ni Perasol ang pagsabak ng UP sa finals noong Season 81, kung saan ay nakalaban nila ang Blue Eagles na kalaunan ay nagkampeon sa torneyo.

Nakaabot naman ang UP sa Final Four noong Season 82 sa pangunguna ni Perasol, ngunit hindi ito nakausad sa finals sa kabila ng kanilang hawak na twice-to-beat advantage matapos silang matalo ng UST Growling Tigers.