Kasado na ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. papuntang New York sa Amerika para dumalo sa 77th United Nations General Assembly.
Sa inilabas na schedule ng Malakanyang nakatakdang lumipad ang Pangulo papuntang Estados Unidos bukas ng umaga sa NAIA terminal 2.
Inaasahang magbibigay muna ng departure statement si Pangulong Marcos bago tuluyang bumiyahe sa US kasama ang ilang gabinete.
Samantala ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nakatakdang magbigay ng talumpati ang Pangulo sa UN General Assembly kung saan ilan sa mga posibleng banggitin nito ay mga isyu sa climate change, rule of law at food security.
Maliban dito inihayag naman ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na maaaring anim na lider mula sa iba’t-ibang mga bansa ang makaharap ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Romualdez, kabilang sa mga posibleng makausap ng ating presidente sina Japanese Prime Minister Fumio Kishida, Malaysian Prime Minister Ismail Sabri Yaakob, habang ang iba ay hindi pa nito matukoy.
#
