CAMARINES NORTE – Kinailangang kanselahin ng Philippine Coast Guard ang biyahe ng passenger ferry boat sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte kahapon dahil sa malakas na ulan at hangin.
Dahil dito maraming pasahero na karamihan ay pauwi na galing sa trabaho ang pansamantalang na- stranded sa Mercedes port at sa pantalan ng Barangay Manguisoc dakong alas 4 ng hapon.
Ayon kay Chief Petty Officer Mario Allan, Information Officer ng Coast Guard Camarines Norte tumagal lang naman ng 30 minuto ang pagkansela ng biyahe.
Agad din naman umanong ipinag utos ng Coast Guard ang resumption ng biyahe nang kumalma ang dagat at tumigil ang malakas na ulan at hampas ng hangin.
Ginawa ito upang masiguro na ligtas ang mga sasakay ng bangka.
Mababatid na nagsimulang makaranas ng malalakas na pag ulan ang iba’t- ibang lugar sa Camarines Norte dakong hapon.
Sunod- sunod rin ang inilabas na rainfall advisory ng Pagasa Daet weather station.
Ayon sa Pagasa Shear Line ang nakaapekto sa Southern Luzon kasama na ang lalawigan ng Camarines Norte.
Naapektuhan naman ang ilang service area ng Primewater dahil naman sa mataas na turbidity level sa Mampurog river. Nawalan din ng kuryente sa ilang lugar partikular sa may coastal Barangay ng Mercedes kahapon.
