CAMARINES NORTE – Hinimok ni Bishop Rex Andrew Alarcon ang mga Kura Paroko ng Diocese of Daet kaisa ng Parish Social Action Center na tiyakin na magkakaroon ng makahuhulugang pagdidiriwang ng 7th World Day of the Poor sa susunod na Linggo, November 26 sa kapistahan ng Kristong Hari.
Sa kaniyang Pastoral Letter na binasa sa mga simbahan sa lalawigan ng Camarines Norte kahapon, hiniling ng Obispo na buhayin ang diwa ng pagbabahaginan lalo na sa mga kapus palad.
Hinikayat rin ni Alarcon ang mga magsisimba na magdala ng alay sa misa sa Christ the King Sunday at ibibigay ang second collection sa mga dukha at nangangailangan.
Maaari umanong buhayin ng mga parokya ang programang DAMA o Daloy ng Awa para sa maralita.
Sa personal na lebel ay maaari rin umanong dalawin ng mga mananampalataya o isama sa hapag ang isang dukha o nangangailangang tao o pamilya.
Mayroon umanong iba’t- ibang mukha ang karukhaan ito ay ang nga kapatid na pinagkaitan ng pangunahing pangangailangan, pagkain, tubig, bahay, pamilya, kalusugan;ang mga inaapi, mga biktima ng pang aabuso, karahasan at digmaan, mga nalulumbay, pinabayaan, inihiwalay, mga tinanggihan at mga maysakit.
