CAMARINES NORTE- Hinimok ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang lahat na ipagdasal ang bansa kahit tapos na ang halalan.
Sinabi ito ng Obispo sa kaniyang misa kaninang umaga sa Holy Trinity Cathedral sa Daet at hinikayat din nito ang lahat na ipagdasal ang bawat isa.
Mababatid na nanatiling neutral ang naturang Diocese at walang inindorsong kandidato noong nakaraang halalan.
Ito’y kahit maraming Catholic Dioceses sa bansa ang hayagang nag endorso ng kandidato partikular ang tambalang Vice President Leni Robredo at Senador Kiko Pangilinan sa pagka Pangulo at Panagalawang Pangulo ng bansa.
Maging ang mother Diocese sa Bicol na Archdiocese of Caceres ay inindorso ang Robredo- Pangilinan tandem bagay na bihirang mangyari.
Isa ang Daet sa sufragan Dioceses ng Caceres.
Sa ngayon ay patuloy na nangunguna ang tambalan nina dating Senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sarah Duterte sa pagka Pangulo at Pangalawang Pangulo sa partial at unofficial count.
Kagabi ay iprinoklama na ng Provincial Board of Canvassers ang nanalong Gobernador ng Camarines Norte na si dating Jose Panganiban Mayor Dong Padilla.
Si Padilla ang tumapos sa dekada nang pamumuno ni incumbent Governor Edgardo Tallado.
Kasamang iprinoklama kagabi ay ang running mate ni Padilla na si Labo Mayor Joseph Ascutia bilang Vice Governor- elect na tumalo naman kay Vice Governor Jonah Pimentel.
Iprinoklama rin si Josefina “Josie” Baning Tallado bilang nanalong kongresista sa unang Distrito para sa kaniyang ikalawang termino at si Rosemarie Panotes bilang kongresista ng ikalawang Distrito.
Si Rosemarie ang humalili kay Congw. Marisol “Toots” Panotes na pumanaw ilang araw bago ang Halalan.
