BATANGAS CITY – Malaki ang naitulong ng ipinamahaging binhing palay ng National Irrigation Administration sa mga magsasakang miyembro ng Nasugbu Farmers & Fisherfolks Cooperative sa ilalim ng Rice Contract Farming program.
Ayon sa panayam ng Brigada Batangas kay Teodoro Jonson ang presidente ng NFFC, limampung libong pisong halaga ng mga kagamitan at pataba kasama ang financial assistance at binhi ang natanggap ng kanilang kooperatiba bawat isang ektarya ng palayan kaya malaking tulong ito para sa kanila.
Ngunit dahil sa sinalanta ng bagyo ang kanilang sakahan, ang dating inaasahan nilang isandaang kaban ng maaaning palay bawat ektarya ngayon ay umabot lamang ng apatnapung kaban kada ektarya.
Gayunpaman, lubos pa rin ang pasasalamat nila sa naturang programa.
Samantala, layunin ng programang ito ng NIA na mapataas ang produksyon ng palay sa naturang bayan upang hindi na mag-import pa sa ibang lugar.